She's the right one for this situation. But she's the perfect person in my life.

Alam kong super elementary pero natutuwa pa rin ako sa assignment namin sa Fil 3 last week. Retorika ang topic namin kaya sa pamamagitan ng pagsusulat ng talata ay maaari naming maipakita kung gaano na kataas ang kakayahan namin sa paggamit ng mabuti at maayos na retorika. Ano raw? Haha.

Kailangan naming i-larawan ang aming matalik na kaibigan at ipaliwanag kung paano, bakit at saan kami nagkakilala at kailan umusbong ang tunay na pagkakaibigan. Nahirapan ako dito.Dumaan ang tatlong araw na wala akong masimulan dahil sa kakaisip kung sinong matalik na kaibigan ang dapat kong i-larawan at kalkalin sa puso ko.

Si Jazmene ang una kong naisip. Kaso super ikli pa lang ng pinagsamahan namin kaya sa tingin ko hindi magiging makulay ng bongga ang talata ko kapag siya. Kung si BJ naman, magiging kumplikado malamang ang pagsusulat ko. For sure, marami akong masasabi na sa tingin ko ay kulang ang tatlong papel. OA na weird pero I think that's the truth. :) Kaya naman ang isang taong to ang naisip kong babagay at tutugma sa mga balak kong gawin at isulat. Isang taong nagbigay ng kakaibang kulay na maaaring makapansin sa akin at sa gagawin ko.

Kaso tinamaan ako ng katamaran. Matagal kong tinitigan ang papel bago ako nakapagsimulang magsulat. Gayunpaman, ito na nga ang natatangi kong obra na punung puno ng pagmamahal at ligaya para sa taong tinutukoy dito ...

"Minsan siyang naging estranghero sa buhay ko, walang pansinan, walang pakialamanan. Nakakasama at nakikita araw-araw ngunit hindi nabibigyan ng sapat na oras para pahalagahan. Ngunit sa kabila nang sitwasyon naming iyon, hindi ko maiwasang makita ang iba't iba at kakaibang ugali at personalidad na mayroon siya. Sa tuwing pahihintulutan ako ng Diyos na pagmasdan siya, ninais ko ring mapalapit sa kanya at maging kaibigan siya. At sa paglipas ng panahon, ang pangarap kong ito ay natupad at mas lalo ko pa siyang nakilala.

Magkaklase kami nung hayskul at hindi ko malilimutan ang reaksyon ko nang una ko siyang makita. Napansin ko kasing may kakaibang pattern ang dulo ng palda niya kaya sa tuwing nakikita ko siya ay napapaisip ako dahil sa kakaibang misteryong iyon. Gusto kong tanungin iyon sa kanya subalit hindi ako nabigyan ng pagkakataon. Pala-kaibigan siya subalit hindi nagkaroon ng daan para magkalapit kami. Marami siyang naging kaibigan at nakikita kong maraming nagmamahal sa kanya. Hanggang sa naging kaibigan siya ng isa ko pang matalik na kaibigan. Lagi silang magkasama at bandang huli, pakiramdam ko'y nawawalan na ako ng karapatan para sumama sa kanila. Lalo akong nahiya sa kanya kaya mas lalong nawalan kami ng pag-asang maging matalik na magkaibigan.

Ngunit sa pagtuntong namin sa huling taon sa hayskul, mukhang itinakda ng langit ang aming paglalapit. At sa mga panahong iyon, nakita ko nang lubusan ang dahilan kung bakit siya sobrang mahal ng mga kaklase namin at nang halos lahat ng tao.

Mabait siyang kaibigan. Hindi lang basta simpleng mabait. Ang taglay niyang kabaitan at kabutihan ay nakakahawa na lahat ng mga kaibigan niya ay naisasama niya sa mabuting parte ng mundo. Nagkakaroon siya ng kakayahang mapasunod ang ibang tao kahit hindi niya kagustuhan. Sa kabila nito, lagi pa rin siyang humihingi ng opinyon at hindi lang basta kinokontrol ang isang sitwasyon.

Maliban sa kanyang kabaitan, masasabi kong kaakit-akit siya. Natatangi ang ganda niya na bibihira sa ibang tao. Sa bagay, lahat naman ng nagiging kaibigan ko ay magaganda ngunit ang nasa kanya ay maaaring maipagmalaki, ang kagandahang karapat dapat bigyan ng respeto. Dahil diyan kaya lubha ko siyang hinahangaan.

Matalino at masipag din siya sa kanyang sariling paraan. Bihira sa tao ang matalino na, masipag pa, kaya naman bilib na naman ako sa kanya. Kapag nagkakaroon kami ng mga pagsusulit, makikita mo siyang nakaupo at nag-aaral. At dahil katabi ko siya sa klase, hindi ko mapigilang ma-pressure kaya naman napipilitan din akong mag-aral. SIya ang sikreto ko kaya ako nakakakuha ng mataas na marka. Sa tuwing may pangkatang gawain naman kami o kaya'y research work na tinatapos, siya ang nagtutuloy ng mga gawain ko kapag nagsimula na akon mapagod at tamarin. Hindi rin siya nawawala sa mga group meetings at projects, at laging siya ang karamay ko sa pag-iisip at pagpupuyat para makapasa. Kaya naman masasabi kong hindi matatawaran ang pagkakaibigan namin dahil sa mga walang kapantay na hirap na naranasan namin nang magkasama.

Maipagmamalaki ko ring isa siyang maunawain at matiyagang tao lalo na pagdating sa akin. Sa tuwing magkasama kami at nagkwe-kwentuhan, hindi ko kailangang itago kung sino ako. Lahat ng gusto kong sabihin ay nasasabi ko. Kahit paulit-ulit na ang mga sinasabi ko, ipinapakita pa rin niya sa akin na interesado siya sa mga kwentong ibinubuhos ko sa kanya. Kahit hindi siya masyadong nakapagbibigay ng payo, ang mapakinggan niya ang lahat ng hinaing ko ay sapat na. Masasabi kong spoiled din ako sa kanya. Halos lahat ng hilingin ko ay pinagbibigyan niya. Tulad siya ng isang ina kung mag alaga at napatunayan kong hindi niya ako pababayaan.

Ilang taon na rin kaming magkaibigan. Ang lahat ng pinagsamahan namin sa loob ng ilang taon ang patuloy na nagpapatatag sa aming pagkakaibigan. Sa lahat ng nakita kong ginawa niya para sa akin, alam kong mahal niya ako. Maswerte ako sapagkat may isang tulad niya na dumating sa buhay ko. Kahit magkalayo kami ngayon at bihira ng mag-usap dahil sa sobrang daming gawain, alam kong walang nagbago at walang magbabago. Dahil ang estrangherong ito ay nakatatak na sa puso ko na walang sinuman at kung anumang makapagpaabago. :)"


Yan na yun. Isang buong papel din pala siya. Medyo wala ako sa mood nang sinulat ko yan kaya medyo magulo at hindi masyadong formal. Pero hindi ko na magawang maulit kasi hanggang ngayon tinatamad pa rin ako. ^.^v

Pero iyan ay para sa aking BESTEST. Love na love kita mafriend Jec. At sana kahit lagi kang pagod at nahiihirapan na sa buhay, wag kang susuko dahil nandito pa rin ako, naghihintay sa muling pagkikita natin tungo sa tunay na kaligayahan at kaunlaran. Gagraduate din tayong mga PIE. Tiwala lang.

Godbless lagi. Be brave and tough. MUAA. :D



Leave a Reply.